wHo ReAlLy aM I

My photo
Why Does it Always Rain on me. Nobody Dies Virgin cause in the end life Fucks us all.

December 13, 2010

Si Utol At Ang Chatmate Ko 8

Tuloy-tuloy ang pagbulusok ko sa ilalim ng tubig; huli na noong ako’y magsisi kung bakit pa ako tumalon samantalang hindi naman ako marunong lumangoy. 

Sa ilalim ng tubig ko naramdaman ang pagka-seryoso sa ginawa kong pagtalon. Syempre, lumundag lang naman ako gawa ng takot ko na ibunyag ni Kuya sa pinakamamahal kong si Zach ang aking sikreto. Gusto ko lang takutin ang kuya ko, i-blackmail kumbaga. Wala kaya akong balak na magpakamatay. Virgin pa po ako kaya wala sa plano ko ang pumanaw na hindi man lang matikman ninuman ang aking sariwang katawan. 

“Glug! Glug! Glug!” Nakainum na ako ng tubig at maalat pa man din. Ramdam ko na ang sakit sa ilong sa pwersahang pagpasok ng tubig doon. “Dyos na mahabagin! Huwag po munang magwakas ang aking walang kamuwang-muwang na buhay! Hindi ko pa natikman ang yakap at halik ni Zach!” sigaw ng utak ko.

Kaya tarantang ikinampay-kampay ko ang aking mga kamay at paa. At nasagi ng kamay ko ang isang lubid. 

Dali-daling kumapit ako dito at nag ala-Tarzan akong pumaitaas upang makalanghap ng preskong hangin ang aking baga. At wallah! 

Habol-bahol ang paghinga, disoriented, at nababalot sa matinding nerbyos at takot pa rin, nanatili akong nakahawak sa lubid, naghintay na sana ay may magligtas sa akin. Syempre, hindi ako maka-akyat at hindi rin naman ako makalangoy patungo sa aplaya. At alam ko, hindi tatalon para sa akin ang kuya ko dahil hindi rin iyon marunong lumangoy. At ayaw kong siya ang tumalon dahil sigurado ako, gagawin lang niya akong salbabida. Kaya nanatili na lang akong nakalambitin sa lubid.

Narinig ko namang nagkagulo ang mga tao sa loob ng restaurant. Ang masaklap, ay may sumigaw pa na, “May pating na dumadayo d’yan! Baka kakainin iyon ng pating!”

“Dyos ko po! Huwag naman po sanang isang pating lang ang makinabang sa birhen at sariwa ko pang katawan! Huhuhu!” Kaya Umiyak na ako ng umiyak at sa sobrang pagkadesperado ay nasambit ko ang, “Promise ko sa iyo Lord, kalimutan ko na talaga ang Zach na iyan! Ayoko na sa kanya, huhuhu! At kung sino man ang tatalon at siyang magligtas sa buhay ko, ay siya ko nang pagsilbihan at mamahalin. Kalimutan ko na talaga ang Zach na iyan! Huwag lang akong lamunin ng pating. Ansakit kaya nang makagat ng hayup na iyan! Huhuhu!”

At naghintay ako ng milagro. 

At heto na, may tumalon! Hindi ko na kinayang tingnan pa ang mukha niya dahil baka ang ibigay sa akin ni Lord ay isang mukhang mahirap i-describe at di ko kayang tanggapin. Tumalikod ako, hinitay na lumapit siya. Pero ang totoo, tumalikod din ako dahil sa sobrang hiya sa ginawang kagagaguhan, natatakot na imbes iligtas niya ako, tuluyan niya akong ilublob sa tubig dahil sa katarantaduhan ko.

At naramdaman ko na lang siya sa likod ko, humawak din sa lubid, inilingkis ang mga kamay sa katawan kong nakatalikod. “Ligtas ka na. Kumapit ka sa akin at tawirin natin isa-isa ang mga poste ng restaurant hanggang sa makarating tayo sa aplaya. May dumadayo daw ditong pating kapag ganitong high tide kaya dalian na natin.” Sambit niya.

“O my God!” sigaw ng utak ko, biglang nawala ang takot ko sa pating. “Kilala ko ang boses na iyon! Si Zach!” Dali-dali akong lumingon at nakumpirma ng aking magaganda at tantalizing na mga mata na siya nga! At ang guwapo pa rin niya kahit nagkagulo-gulo ang mala-Justine Beiber niyang buhok dahil sa pagkabasa nito! Parang gusto ko nang sabihin sa kanya na ipagpatuloy lang niya ang pagyakap sa akin at hintayin na lang namin ang pagdating ng pating upang sabay kaming lunukin at magsama ng wagas sa loob ng tiyan nito at doon na rin namin buuin ang aming mga minimithing pangarap! “Gosh! Grabe! Pakiramdam ko ay isa akong prinsesa na nasa bingit ng kamatayan dahil sa sobrang pagtatae at dumating ang aking knight in shining armor at agad akong pinainum ng immodium. 

“Kapit na!” Sabi niya.

Bigla naman akong nagising sa aking pagpapantasya. Ngunit nanginginig talaga ako, mga ateng, pramis, hindi dahil sa sobrang lamig ng tubig kungdi dahil sa excitement na nad’yan iyong super crush ko, itinaya ang sarili niyang buhay upang mailigtas lang ang aking pinakaiingat-ingatang puri, at hayun, yakap-yakap na niya ako. Di ba sweet? 

Mistulang nawala lahat ang mga tubig na pumasok sa aking eardrum at baga at pakiramdam ko ay biglang tumubo nang napakahaba ang aking hair sa pagkakataong iyon. Grabe. 

“Dalian mooo!” utos niya, rinig ko pa ang paghahabol niya ng paghinga.

At tinanggal ko ang mga kamay ko sa pagkapit sa lubid upang sa kanya na kakapit. Ngunit marahil ay sa sobrang paglalandi ko, dumulas ang kapit ko sa kanya at bumulusok na naman uli ako sa ilalim ng tubig. At muli, “Glug! Glug! Glug!” Iyon na ang huli kong natandaan.

Ewan kung gaano katagal akong unconscious ngunit noong bumalik ang malay ko at ibinuka ko ang aking mga mala-anghel na mata, nanlaki ito bigla noong ang nasaksihan ko ay mismong si Zach na inuupuan ang aking tiyan at nakayuko at nag mouth-to-mouth sa akin! 

“Uhu! Uhu! Uhu!” ang pag-ubo ko, gawa nang hindi ko makontrol ang tubig na iniluwa ng aking baga. Kakabadtrip nga lang ang ubo na iyon dahil bigla ring tinanggal ni Zach ang bibig niya na nakalapat sana sa bibig ko. At habang nanatiling nakaupo si Zach, ang mukha ay tuwang-tuwa sa nasaksihang na-revive ako, mistula namang nag-slow motion sa tingin ko ang paligid habang may narinig akong kanta ng mga anghel at quirubim sa kaloob-looban ng aking tenga. Ang ganda ng ngiti ni Zach, hayup, nakakainlove. Parang may kaaya-ayang sinag na nagmula sa kanyang mukha at ang sabi ay “Ligtas ka na! Nandito ka na sa aking kaharian…” Parang nasa langit ako at nasa bisig ng aking prince charming!

Ngunit bigla ring naputol ang mala-paraisong eksenang iyon noong ibinaling ko ang mukha sa gilid ko at nakita ang mukha ng isang demonyo. Si Kuya pala ang demonyong iyon, bagamat in fairness, isang guwapong demonyo naman. Iyon nga lang, kitang-kita sa kanyang mukha ang pagpupuyos ng galit at ang kanyang mga tingin ay nagliliyab. Naiimagine ko nga na habang si Zach ay may koronang sinag sa ibabaw ng kanyang ulo, si kuya naman ay may sungay. Pero in fairness, bagay din sa kanya ang sungay.

At dahil sa nakitang pagpupuyos ng galit ng aking mahal na Kuya, bigla kong naisipang ipikit uli ang mga mata upang hindi ko makita ang kanyang mukha, nagkunyaring unconscious pa rin, nagbakasakaling i-mouth-to-mouth uli ako ni Zach.

Ngunit huli na ang lahat. Habang nakapikit ang aking mga magagandang mata na may mahahabang eyelashes, biglang may malakas na “SPLAKKKKK!” na dumapo sa aking flawless na mukha. 

“Arekupppp!” Napadilat akong bigla sa lakas ng pagkasampal, naunsyami ang pinapantasyang “mouth-to-mouth para kay sleeping beauty” na galing kay prinsepe Zach.

Noong tiningnan ko kung saan nanggaling ang walang breeding na sampal na iyon, nakita kong galing pala ito kay kuya at hindi ma drowing ang kanyang mukha sa kinimkim na galit! 

Grabe. Galit na galit din ako sa kanya. Ngunit wala na akong magawa pa kungdi ang haplusin na lang ang tama sa aking mukha, na hindi din ma-drowing sa tindi ng sakit habang binitiwan ko ang tingin na nanggagalaiti-ngunit-walang-magawa kay kuya, mistulang sa isang batang inagawan ng ice-crean ng mas malaki pang bata. 

Noong mapansin ni Kuyang nakatutuk ang tingin ko sa kanya, inisnab naman niya ako at nilingon si Zach, binitiwan ang isang nakakalokong ngiti sabay sabing, “O pare, sabi ko sa iyo, buhay pa iyan e!” pagpahiwatig niya sa paggalaw at pagreact ko noong sinapak niya ng todo ang mukha ko. “Kaya umalis ka na sa pagkakaupo sa tiyan niyan. Baka sa pagdagan mo dyan yan mamamatay.” Dugtong ni kuya.

“Akala ko magma mouth-to-mouth uli ako eh!” ang sagot naman ni Zach sabay bitiw ng pilyong ngiti. Tila ganyan na sila ka close, huh!

Sa sagot na iyon ni Zach, naimagine ko tuloy ang eksenang nakayuko na si Zach upang handang ipagkaloob na sa bibig ko ang kanyang makasaysayang mouth-to-mouth noong maudlot ito dahil sa naunang lumanding sa mukha ko ang mabigat na palad ni kuya. “Waaahhhh! Nademonyo na talaga iyang si Kuya ko. Grabe na ang pagka-adik!” sigaw ko na lang sa sarili.

“Uuwi na lang tayo!” Ang mungkahi ni Kuya, sabay talikod halatang atat na atat nang makaalis sa lugar at makaiwas kay Zach.

Aba, noong akmang tatayo na sana ako ay bigla ba naman akong kinarga ni Zach sa kanyang mga bisig. “Wowwwwww! Heaven talaga! Todo na tooooo!” ang nasambit ng utak ko sabay naman lingkis ng mga kamay ko sa leeg ni Zach.

Ngunit noong lumingon si Kuya at nakitang karga-karga ako sa mga bisig ni Zach, bigla na namang nadiskarel ang kanyang mukha. “Bakit mo kinarga iyan? Nakakalakad naman iyan eh. Nag-iinarte lang iyan.” 

“Hindi pare, groggy pa eh. Kawawa naman!” sagot ni Zach.

“Ako na ang kakarga niyan!” sabi ni Kuya.

“Ako na, Ok lang ako. May sasakyan ba kayo?”

“Mayroon pero ako na ang kakarga”

“Ako na nga lang… pare.” 

“Ako na. Kapatid ko iyan kaya ako na ang kakarga…” ang pangungulit ni Kuya…

Pinag-aagawan talaga nila ang beauty ko. Ngunit hinigpitan ko ang paglingkis ng mga kamay ko sa leeg ni Zach. Ngunit makulit si kuya at ayaw patalo kaya nalipat ang pagkarga sa akin sa mga bisig ni Kuya. 

Kaso, sadya yatang plano ito ng demonyo, nabitiwan niya ako (o binitiwan ba?) at… “KA-BLAGGGG!” 

Nalaglag po ako, at naunang bumagsak sa semento ang virgin at walang mantsa ko pang pwet. 

“Grrrrrr!” sabi ko na lang sa sarili, tiningnan ng matulis si Kuya. Sobrang sakit kaya ng puwetan ko. Dali-dali naman akong tumayo. Tiningnan ko naman si Zach na nabigla din sa pagbagsak ko, ang mga mata ko ay mistulang nangungusap na, “O, ano, kaya mo iyon?” 

In fairness, hindi naman ako pinagtawanan ni Zach. O baka pinigil lag niya ang sarili. In fact, itong si kuya pa ng naninisi sa akin. “O, kasi… tangina, ang arte-arte, nagpapakarga pa!”

Hindi na ako kumibo. Iniabot naman ni Zach ang kamay niya sa akin. Ngunit sa magkahalong inis at pagkapahiya, hindi kinaya ng powers ko ang maglandi. Tumayo akong mag-isa nagtatakbo papuntang sasakyan, iniimagine na walang nakakakitang iba sa pagbagsak ko. 

“O tingnan mo nga, mas mabilis pa sa kabayo kung tumakbo ang loko.” Ang narinig kong sabi ni Kuya kay Zach. 

Hindi naman sumagot si Zach.

“Ok pare, mauna na muna kami ha? Sensya ka na sa nangyari. Basang-basa kasi tong utol ko kaya dapat maligo at makapagbihis na rin. Ikaw rin pare, basa ah... Salamat sa pagligtas mo sa kapatid ko!” Ang narinig kong sambit ni kuya, hinayaan na lang si Zach na mag-isa.

Ewan kung ano ang pakiramdamni Zach. Pero noong nilingon ko siya, mukhang may lungkot ang kanyang mga mata. Kasi ba naman, iyon lang ang sinabi ni kuya. Wala man lang “take care” o kaya “chat tayo mamaya” o “kita uli tayo next time” o mas maganda nga, “Pare… samahna mo kami sa bahay”. Iyon bang something na nakaka-inspire. Siya kaya ang nagligtas sa buhay ko. Doon pa lang, proud na proud na dapat si kuya sa kanya. Sabagay, sa kabilang banda rin, hindi naman talaga siya ang tunay na ka-chatmate at “nagmahal”… 

Nauna akong umupo sa sasakyan at noong dumating na si kuya, dali-dali nitong pinaandar ang kotse na para bang hinahabol ng isng ulol na aso. “Hay salamat naka-eskapo din!” sambit niya pagpaparinig sa akin.

Hindi na ako kumibo. Alam kong ang eskapong sinabi niya ay ang makalayo kay Zach. Syempre, lungkot na lungkot naman ako bagamat kasalanan ko ang lahat. Pero at least, nalaman na ni kuya ang tunay kong pagkatao at ang sunod na mangyayari ay ipagsapalaran ko na lang... 

“Tangina, bakla ka pala…” ang pagmamaktol ni kuya habang nilingon ako.

Ewan. Parang ang sakit din pala kapag sinabihan kang bakla. Hindi kasi ako sanay. At lalo na kuya ko ang nagsabi na may halong pangungutya. “Bakit kung ganito ako? May problema ba?” ang palaban ko ring sagot.

“Oo! Mayroon! At malaki! Dahil kapag nalaman ito ng mga magulang natin, sigurado ako, palalayasin ka nila. Gusto mo iyon?” ang pagbabanta ni niya sa akin.

Para akong nabusalan sa narinig. Syempre, nagpakatotoo lang naman ako at kahit papaano, tao rin naman ako. Bakit hindi nila kayang tanggapin ang pagkatao ko kung mahal nga nila ako. “At bakit nila ako palayasin? Iyong aso nga natin na hindi naman natin kaanu-ano, inaalagaan natin, ako pa kaya? Bakit ikaw? Gusto mong palayasin ako?”

Mistula ring nabusalan si kuya sa sagot ko. Lalong sumungit ang mukha niya. Iyon bang galit na hindi makalabas at may kung anong gustong kumawala sa kanya at pakiramdam niya ay gusto niyang pumatay ng tao. At ang tanging nagawa na lang niya ay ang tapakan bigla ang accelerator ng sasakyan. Bumilis ang takbo namin. 

Sa takot na baka ibangga niya ang sasakyan, hindi na ako nagsalita pa. Hinablot ko ang seatbelt at isinukbit iyon.

“At ginawa mo pa akong bakla sa mata ng taong iyan? Malaki ang atraso mo sa akin tol… Malaking-malaki! Alam mo iyon?”

Yumuko na lang ako, hindi na kumibo. Totoo naman kasi. Ansama ko… “Pero masisisi ba niya ako kung ako ay umibig?” bulong ko sa sarili. 

“Ngayong alam kong bakla ka pala, ayokong may makikita akong mga lalaking kasa-kasama mo ha?” sabi niya tiningnan ako ng matulis.

“Kuya... bakla po ako, hindi babae. Hindi po ako mabubuntis kahit ilang lalaki pa ang kasama ko!” ang pabalang ko namang sagot.

“Kahit na! Ako lang ang dapat na kasama mo. At kapag may nakita akong kasa-kasama mong ibang lalaki, bubugbugon ko talaga, lalo na ang Zach na yan! Makikita niya!”

“At kaya mo naman? Sa tingin ko nga maganda kung magsuntukan kayo eh para magkaalaman na kung sino ang mas magaling. At sa kanya ako tataya, promise.” Sagot ko.

“A ganoon! Gusto mo babalikan natin iyong ipinagmamalaki mong Zach at uupakan ko? Ha?”

“A... hindi na po kailangan.” sagot ko.

“Takot ka naman pala eh...” 

“Hindi po ako takot kuya. Nand’yan na po siya o...” sabay turo sa isang lalaking naka-motorsiklo sa gilid lang na aming sinasakyan. 

Alam kong si Zach iyon dahil kahit naka-helmet siya, iyon ang damit na isinuot niya. At basang-basa pa rin! “Waaahhh! Ang gandang tingnan talaga ng prince charming ko” sigaw ng utak ko habang pinagmasdan ang machong-machong porma ng pagdala niya sa kanyang motor, dinikitan ang sinasakyan namin”

Lumingon si kuya sa gilid niya at mistulang natuliro siya sa nasaksihan. “At ano naman kaya ang plano ng gagong ito?!” sambit ni Kuya na natunugang sasabayan kami ni Zach hanggang sa pag-uwi.

“E syempre, hinahabol ka niya eh. Kasi… hindi mo man lang siya kiniss kanina. Lagi kaya kaming nagki-kiss sa pagcha-chat namin! Hinahabol niya ang kiss!” ang pang-iinis ko kay kuya, ipinaparamdam din na kinilig ako, sabay tawa.

Mistula namang naputukan ng bomba si kuya sa pang-iinis ko. At marahil ay dahil sa kinikimkim pa ri niyang galit kay Zach at sa akin, sinadyang hinarangan niya ang motorsiklo nito.

“Kuya! Dahan-dahan! Mababangga mo si Zachhhhhhhhh!!!” 

At ang sunod kong narinig ay ang malakas na “SCREEECCCCHHHHH!!!!!!”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment